Mag-asawa grabe sa road mishap

Doble kamalasan ang inabot ng mag-asawa na matapos mabangga ng isang pampasaherong dyip ang lalaki ay nabundol din ng isa pang pampasaherong dyip ang babae makaraang dalawin ng huli ang una sa pagamutan, kahapon ng umaga sa Marikina City.

Ang ginang na kasalukuyan ngayong inoobserbahan sa Amang Rodriguez Medical Center ay kinilalang si Jenny Tenular, 30-anyos at residente ng Brgy. Mayamot, Antipolo City.

Agad namang sumuko sa pulisya ang driver na si Alex Quiamzon, 32, ng Paterno St., Brgy. Parang, Marikina City.

Batay sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga sa kahabaan ng Olandez St., Brgy. Sta Elena ng nasabing lungsod kung saan kagagaling lamang umano ng nasabing ginang sa nabanggit na pagamutan upang dalawin ang nabundol na mister subalit nang papatawid na umano ito sa kalsada ay bigla na lamang itong nahagip ng isang rumaragasang pampasaherong dyip. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments