Nakabitin at halos nangingitim na ang katawan ng biktimang si Agnes Buenaobra, 35, ng #134 Kapiligan St. Brgy. Doña Imelda, Galas, Quezon City nang matagpuan ng kanyang baby sitter na si Joan Alcantara.
Batay sa ulat ni SPO1 Fedencio Basibas ng Central Police District-Criminal Investigation Unit (CPD-CIU), natagpuan ni Alcantara ang biktima dakong alas-6 ng umaga sa loob ng nipa hut na ginagawang pahingahan nito.
Nauna rito, hindi makita ni Alcantara ang kanyang amo sa loob ng bahay kung kayat minabuti niyang puntahan sa ipinagawa nitong nipa hut.
Laking gulat na lamang ni Alcantara nang makitang nakabitin ang biktima habang nasa silya ang isang suicide note na para sa kanyang among lalaki.
Nakasaad sa suicide note ang,"sana tigilan mo na ang pambababae, wag ka nang pumatol sa GRO baka ka magkasakit. Pasensiya ka na, kaya ko to nagawa dahil alam kong pabigat din ako sa buhay mo."
Ayaw namang magbigay ng anumang pahayag ang mister ng biktima. (Ulat ni Doris Franche)