Estudyante tinodas ng dating kaibigan

Isang estudyante ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng kanyang dating kaibigan na matagal na niyang nakaalitan kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Patay na nang idating sa Fairview General Hospital ang biktima na nakilalang si Ismael "Ace" Drillanes, 19, ng Purok 20, Unit 5, Brgy. Commonwealth ng nabanggit na lungsod habang pinaghahanap naman ang suspect na si Edwin Buban, 21,at residente ng 13-L Kasunduan St. ng nasabi ding barangay.

Batay sa imbestigasyon ni SPO4 Marcelino Castillo ng Central Police District- Criminal Investigation Unit, dakong ala 1:15 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Katuparan St.

Naglalakad si Drillanes kasama ang kaibigan na si Lucman Sultan nang bigla na lamang itong harangin ng suspect at pagsasaksakin ng limang ulit.

Tinangka umano ni Sultan na awatin ang suspect subalit siya naman ang binantaan nitong papatayin kung makiki-alam.

Ayon sa pulisya, matagal nang may alitan ang biktima at ang suspect dahil sa pagiging siga-siga sa lugar ng huli. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments