Sinabi ni Comelec Chairman Benjamin Abalos Sr. na nakipagpulong na siya sa 29 na election officers ng National Capital Region kamakalawa ukol sa paglilinis sa voters list.
Nakatakdang magsumite ng exclusion proceeding sa korte ang Comelec para sa may 300,000-400,000 mga botante na namatay na, hindi na residente sa lugar na doon sila nakarehistro at mga hindi kinukonsidera ng mga opisyal ng barangay.
Sa Marikina City, sinabi ni Abalos na may kabuuang 88 kaso ng double registration ang nadiskubre ng mga election officers at nasampahan na ng mga kaukulang kaso sa korte.
Nabuko rin naman sa Caloocan City ang pagrerehistro ng doble ng ilang mga residente at nang ipatawag ay umamin sa pagkakasala para maging flying voter at nangakong hindi na uulit.
Idinagdag ni Abalos na hindi na magkakaroon ng mga double registration ngayon dahil sa ipinapatupad na bagong sistema ng registration sa paggamit ng computers na kumukuha ng litrato, digital fingerprints at lagda ng mga botante na siyang ilalagak naman sa nationwide database ng Comelec. (Ulat ni Danilo Garcia)