Base sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente noong hapon ng Hulyo 6, taong kasalukuyan sa 9th Ave, kanto ng M.H. del Pilar st., Caloocan City.
Sa pahayag ng mga nakasaksi, sa bilis umano ng takbo ng taxi na may plakang PWZ-246 na minamaneho ng isang Daniel Ang, 33, ay nakabanggaan nito ang isang Toyota Wrangler jeep, may plakang CMF-356 na minamaneho naman ng isang Godofredo Lee, 50, negosyante.
Sa lakas ng impact ng banggaan ay umikot ang taxi kung saan ito ay humampas sa biktimang si Redemson Abuan, residente ng 7th Ave., Caloocan City at empleyado ng Pilipino Star Ngayon, na nooy naglalakad.
Ayon pa sa mga nakasaksi, sa lakas ng pagkakahampas ng taxi sa biktima ay umangat ito at bumagsak sa bubong ng taxi saka tumilapon.
Sa halip umanong tulungan ng taxi driver ang biktima, ngumiti lamang ito pagbaba ng taxi at unang pinuntahan ang driver na nakabanggaan at hinayaan ang nakabulagtang biktima na pagkaguluhan ng mga miron.
Isinugod ang biktima sa MCU Hospital kung saan naratay ito ng tatlong araw dahil sa tinamong matitinding pinsala sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan.
Sa pulisya ay nagmatigas naman ang liason officer ng Nine Stars na si Robert Casauy na humati sa gastusin sa ospital at pagpapagamot ng biktima, dahilan para magdesisyon ang pamilya ni Abuan na magsampa na lamang ng kasong reckless imprudence resulting to serious physical injuries laban sa driver na si Ang, at kasong civil naman sa operator na si Efren Enriquez. (Ulat ni Rose Tamayo)