Vendor pinatay ng magkakapatid dahil sa gate

Isang 35-anyos na lalaki ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng apat na magkakapatid kung saan ang isa ay ginagamot pa rin sa ospital matapos na magkaroon ng mainitang pagtatalo sa ginagawang gate ng kanilang inuupahang duplex apartment kamakalawa sa Quezon City.

Patay na nang idating sa Quezon City General Hospital ang biktima na si Bernabe Goce, vendor, ng 135 Interior Sauyo Road, Brgy. Sauyo, Novaliches, Q.C. habang ginagamot naman sa Philippine Orthopedic Hospital si Jolito Adriano.

Agad namang naaresto ng pulisya ang kapatid ni Jolito na si Maria Ligaya habang pinaghahanap pa ang dalawang kapatid nito na sinasabing responsable sa pagkamatay ni Goce.

Batay sa imbestigasyon ni PO2 Ernesto Fabre, Jr. ng Central Police District-Criminal Investigation Unit (CPD-CIU), nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Goce at Jolito dahil sa itinatayong gate sa kanilang inuupahang duplex apartment.

Nagalit si Goce nang maglagay ng gate ang magkakapatid na Adriano hanggang sa pakiusapan ng una ang huli na alisin ito.

Subalit ito naman ang nagpagalit kay Jolito hanggang sa magkita sila ni Goce at humantong sa saksakan.

Nakita ng iba pang kapatid ni Jolito ang pangyayari kung kaya’t agad itong nilapitan at pinagtulungan naman saksakin si Goce. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments