Ayon kay Major Roberto Opena, manager ng Intelligence and Security Department ng PhilPost, nadiskubre ang bomba sa isang basurahan ng janitor dakong alas-7 ng umaga sa ikatlong palapag ng gusali.
Naglilinis ang naturang janitor nang makita ang isang karton kung saan nakalawit ang ilang wirings kaya agad na naghinala ito na isang bomba.
Agad na iniulat naman ito sa WPD-Explosives Ordnance Division na mabilis na rumesponde sa PhilPost. Nang buksan ang naturang kahon, dito nadiskubre na peke ang naturang bomba dahil sa wala namang pulbura na maaaring sumabog.
Sinabi ni Opena na maaaring pananakot lamang talaga ang pakay ng mga tao sa likod ng pekeng bomba at hinihinala na kagagawan ito ng ilang empleyado ng PhilPost dahil sa mga pagbabago na ginagawa sa loob ng ahensya.
Inihalimbawa nito ang pagpapasailalim na ngayon sa pagsusulit ng mga casual na empleyado bago sila tuluyang ma-regular. (Ulat ni Danilo Garcia)