Nakaligtas sa trahedya sa dagat pero di sa pulisya

Matapos makaligtas sa paglubog ng barkong MV San Nicolas makaraang sumalpok sa Super Ferry 12 noong Linggo, hindi naman nakaligtas ang isang 43-anyos na lalaki na matagal na pinaghahanap ng batas nang dakmain ng operatiba ng DILG sa likod ng Manila Hotel sa Maynila, kahapon.

Kinilala ang nadakip na si Jamason Fedelin ng Barangay 1 Coron, Palawan.

Matagal na umanong pinaghahanap ng pulisya si Fedelin sa kasong panghahalay sa 14-anyos niyang anak. Ang biktima ay dalawang taon na umanong hinahalay ng kanyang ama habang nagtatrabaho sa Maynila ang ina nito.

Ayon sa ulat, sakay umano ng MV Nicolas si Fedelin papuntang Maynila nang aksidenteng bumangga ito sa Super Ferry 12 na patungo naman sa Cebu City.

Si Fedelin ay sinasabing isa sa mga nakaligtas sa nasabing lumubog na barko, habang ang may 25 kasama nito ay nasawi sa trahedya, habang marami pa ang nawawala.

Sinabi pa ng pulisya na nang maganap ang banggaan ng dalawang barko noong Linggo ng umaga sa Manila Bay ay agad silang nakipag-ugnayan sa Coastguard na naging susi sa pagkahuli sa wanted na ama. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments