Sinabi ni Justice Undersecretary at DOJ Spokesperson Merceditas Gutierrez na wala silang nakikitang anumang balakid sakaling isailalim si Strunk sa hospital arrest habang isinusulong ang extradition proceedings dito.
Ikinatuwiran ng DOJ na ang kanilang magiging pasya at base na rin sa pagiging makatao at ikinukonsidera na rin nila ang kalusugan ng nasabing akusado na nagtataglay ng sakit na diabetes.
Subalit iginiit ni Gutierrez na dapat matiyak ng pamahalaan ng Estados Unidos na hindi makakatakas si Strunk sa pagamutan na paglalagyan dito upang hindi maantala ang pagpapabalik dito sa Pilipinas.
Samantala, tiniyak din nito na ibabasura lamang ng hukuman sa Estados Unidos ang inihain nitong petition for bail para sa pansamantalang kalayaan nito habang wala pang desisyon sa kasong extradition.
Patuloy umanong makikipag-ugnayan ang DOJ sa kanilang US counterpart upang manatili silang updated sa itinatakbo ng extradition case laban kay Strunk. (Ulat ni Grace dela Cruz)