Naliligo sa sariling dugo at patay na nang matagpuan ang biktimang si Mariano Ramir lV, 22, ng No. 17-B Suzuarrague St., Old Balara, sa kanyang kuwarto sanhi ng tinamong isang tama ng .9mm kalibreng baril sa bibig na lumagos sa kanang bahagi ng kanyang ulo.
Sa inisyal na pagsisiyasat ni SPO1 Ruel Vacaro ng Scene of the Crime Office ng Central Police District, dakong alas-10:25 ng umaga nang makita nina Floriza at Francisco Flores, mga pinsan ng biktima ang bangkay ng huli na nakahandusay sa kanyang kuwarto.
Anila, bago ang pagpapakamatay ng biktima napansin ng kanyang kaanak na madalas na balisa at parating nagkukulong sa kanyang kuwarto bilang paghahanda sa kanyang thesis deliberation na nakatakda sana ngayong araw.
Hinihinala na posibleng sobrang pressure sa pag-aaral ang nagbunsod sa biktima upang manghina ang loob nito at matakot na bumagsak sa kanyang defense. Posibleng hindi rin umano handa ang biktima sa kanyang thesis deliberation kaya sa matinding takot na bumagsak at maantala sa kanyang pagtatapos sa kurso ay kinitil na lamang ang kanyang buhay.
Nabatid na si Ramir ay solong anak umano ni National Housing Authority director Mariano Ramir III na isa ring engineer. (Ulat ni Ellen Fernando)