Naka-impound na sasakyan ibebenta ng MMDA

Ibebenta na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang lahat ng sasakyan na naka-impound sa kanilang tanggapan kapag hindi kinuha ng may-ari sa loob ng isang buwan.

Ito ang ibinigay na ultimatum ni MMDA chairman at DPWH Secretary Bayani Fernando.

Sa kanyang kautusan, sinabi ni Fernando na ang lahat ng sasakyang nahuhuli o nahihila dahil sa traffic violation na may isang buwan ng naka-impound sa impounding area ng ahensiya na matatagpuan sa Ultra Pasig City at hindi kinukuha ng may-ari nito ay dapat nang ibenta.

Layunin nito na makatipid ng malaki ang pamahalaan.

Ipinaliwanag ni Fernando na sa pagmimintina ng mga nai-impound na sasakyan ay malaking halaga ang ginagastos ng pamahalaan.

Bukod dito, patuloy na nagsisikip ang impounding area at wala na halos mapaglagyan ang iba pang sasakyan dahil sa hindi kinukuha o tinutubos ng mga may-ari ito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments