Binata nalitson sa sunog

Isang computer science graduate ang natusta ng apoy matapos sumiklab ang isang sunog sanhi ng nag-overheat na air-conditioning unit kahapon sa Tondo, Maynila.

Kinilala ni Manila fire marshall Pablito Cordeta ang biktima na si Louie Bryan Cruz, 24 anyos, binata at nakatira sa 739 Favia St., Tondo ng nasabing lungsod.

Ayon sa panimulang imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-12:48 ng tanghali kahapon ng magsimula ang sunog sa mismong silid ng biktima sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan.

Mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa madamay ang 2 pang kabahayan sa nasabing lugar.

Tumagal ng 30 minuto ang sunog bago ito tuluyang naapula ng mga bumbero hanggang sa matagpuan ang tustadong katawan ng biktima.

Napag-alaman pa ng mga arson investigators na kasalukuyang nasa Cavite ang mga kaanak ni Cruz kaya walang gumising dito ng magsimula ang sunog sa kanyang kuwarto.

May hinala ang mga awtoridad na nagsimula sa nag-overheat na air-conditioning unit ang sunog kung saan ay tinayang aabot ng P200,000 ang naging pinsala. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments