Trader binoga ng kaibigan, todas

Isang negosyante ang binaril at napatay ng kanyang kaibigan, kamakalawa ng gabi sa Binondo, Maynila.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Romeo Salina, 30, may asawa at nakatira sa #649 Block 19 Baseco Compound, Port Area, Maynila.

Pinaghahanap naman ng mga tauhan ng WPD ang suspect na nakilala lamang sa alyas Singkit at isang alyas Jovie.

Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-11:45 kamakalawa ng gabi nang barilin ng suspect na si Singkit ang biktima sa kanto ng Camba at Peñarubia Sts., Binondo.

Napag-alaman na ang biktima ay nagtago lamang sa Peñarubia St. matapos nitong saksakin ang suspect na si Singkit may ilang buwan na ang nakakaraan.

Sinaksak ni Salina si Singkit dahil sa pag-aakala na mayroon itong relasyon sa kanyang maybahay. Nagtago na noon si Salina hanggang matunton siya ni Singkit.

Nagtamo ng tama ng bala sa katawan ang biktima mula sa hindi mabatid na kalibre ng baril at idineklara itong dead-on-arrival sa Metropolitan Hospital.

Mabilis namang tumakas ang suspect matapos isagawa ang pamamaril at kasalukuyang pinaghahanap ito ng pulisya. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments