Mayor Tiangco at Carlos iimbestigahan ng DILG at PDEA

Nakatakdang imbestigahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sina Valenzuela City Mayor Bobbit Carlos at Navotas Mayor Toby Tiangco kabilang na ang dalawang barangay captain dahil sa umanoy pagkabigo ng mga ito na matiktikan at maagapan ang paglaganap ng iligal na droga at operasyon ng shabu laboratory at shabu warehouse sa kanilang nasasakupan.

Ito ang naging pahayag ng isang opisyal ng Northern Police District Office (NPDO) dahil sa umano’y kapabayaan ng dalawang mayor at barangay captains ng Lawang Bato sa Valenzuela at North Bay Boulevard sa Navotas na una nang dapat makaalam sa nangyayari sa kanilang lugar.

Nagsalita sa panig ni Carlos si City Administrator Carmelita Lozada na ginagawa naman ng kanilang mayor at police force ang kanilang tungkulin na sugpuin ang drug activities sa lunsod subalit may limitasyon ang kanilang kakayahan lalo’t isang high profile drug syndicates ang nagpapatakbo.

Samantala pinakawalan kahapon ng pamunuan ng NPDO ang dayuhang Intsik na si Lee Yuk Sau na itinuturong may-ari ng gusali ng sinalakay na shabu lab sa Valenzuela. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments