Dalagita hinostage, ginilitan ng tiyuhin

Makaraang i-hostage, nilaslas pa ang leeg ng isang 15-anyos na high school student ng kanyang sariling tiyuhin na umano’y naburyong at nangulila sa kanyang humiwalay na asawa, kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Kasalukuyang inoobserbahan sa Valenzuela District Hospital sanhi ng malalim na sugat sa leeg ang biktimang si Christine Magalong Balili, ng Road 1 San Diego, Malanday, Valenzuela.

Arestado naman ang suspect na nakilalang si Armando Balili, 25, tiyo at kasambahay ng biktima.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob mismo ng bahay ng mga ito.

Napag-alaman na maghapong nag-inom ng alak ang suspect dahil sa pangungulila sa kanyang asawa na nakipaghiwalay sa kanya. Nang malasing ay bigla na lamang sinunggaban ang pamangkin na noon ay nag-aaral ng kanyang leksyon sabay tutok ng patalim sa leeg nito.

May 30 minuto ring hinostage ng suspect ang biktima at nang makita ng mga pulis na dumurugo na ang leeg ni Christine kasabay naman na nakakuha sila ng magandang pagkakataon ay agad na sinunggaban ang suspect at dali-dali namang nabitiwan nito ang panaksak at nabitiwan din ang biktima na mabilis na dinala sa pagamutan. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments