Nakilala ang mga nasawing suspect sa pamamagitan ng mga ID na nakuha sa kanila na sina Jay Aguilla, 33, at Thata Bugos.
Samantalang isang dalagitang bystander na nakilalang si Genevieve Bergantinos, 13, ang tinamaan ng ligaw na bala at kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon sa Fatima Hospital.
Batay sa ulat ng pulisya naganap ang insidente dakong alas-2 ng hapon sa may Grande St., Brgy. Ugong, ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na bago naganap ang labanan ay hinoldap ng grupo ng mga suspect ang payroll money ng Speed Master printing press na matatagpuan sa 23 Nangka Road, Brgy. Potrero, Malabon City.
Matapos ang isinagawang holdap mabilis na tumakas ang mga suspect sakay ng isang kulay gray na Mitsubishi Adventure na walang plaka.
Samantala, na-intercept ng mga kagawad ng Valenzuela police ang sasakyan ng mga suspect sa may Grande St. na dito, apat sa mga suspect ang bumaba ng sasakyan at pinaulanan ng putok ng baril ang mga pulis. Gumanti na ng putok ang mga pulis hanggang sa mapatay ang dalawa sa mga ito.
Mabilis namang nakatakas ang apat pa sa mga suspect dala ang nakulimbat na pera.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso at ang pagtugis pa sa mga tumakas na suspect. (Ulat ni Rose Tamayo)