Inihain ng NBI sa DOJ panel of prosecutors ang mga ebidensya na pinangungunahan ni Senior State Prosecutor Archimedes Manabat bilang pagsunod sa kautusan ng huli sa una na kailangang isumite sa loob ng 15 araw ang lahat ng ebidensya laban sa mga akusado.
Kabilang sa mga ebidensya ang may 4 na videotapes, 14 affidavits ng mga testigo sa krimen at ang mga kagamitan sa pinangyarihan ng krimen na pinakukunang deoxyribonucleic acid o DNA test at ang resulta ng psychological at mental examination ni Medel matapos ang isinagawang pagsusuri ni Dr. Cynthia Alcuaz at NBI medico legal chief Dr. Maximo Reyes.
Nakasaad sa psychological test na mayroong "hypomanic episode" si Medel na ang ibig sabihin ay kondisyon ng isang taong masyadong madaldal at sobra-sobra ang laman ng isip, subalit hindi naman ito maituturing na isang sira-ulo.
Samantalang sa DNA test ng NBI, nakasaad dito ang may 22 kagamitang nakuha sa krimen na positibo sa human DNA at ang 13 iba naman ay negatibo katulad ng mga upuan ng kotse, stainless kitchen knife, 2 payong, handbag at salamin sa mata.
Nakatakda namang ipalabas ng DOJ panel ngayong araw ang kanilang kautusan para sa pormal na pagbabasura sa mga mosyon ng mga abogado ni Strunk. (Ulat ni Gemma Amargo)