Ito ay makaraang hayagang sabihin ni Teehankee na ang recanted confession ni Philip Medel, isa sa mga tinuturong suspek sa pagpaslang sa aktres na pinahina nito ang kaso at gayundin ang kredibilidad ng testigo.
Gayunman ay sinabi pa rin nito na nasa prosecuting panel na ng DOJ kung tatanggapin pa rin nila ang recanted statement ni Medel.
Ito rin ang siyang sinabi ng hepe ng three-man panel ng Department of Justice na siyang mag-iimbestiga sa nasabing kaso at kung mapapatunayan ng mga ito na depektibo at mahina maaaring hindi maiharap ang kaso.
Sinabi ni Senior State Prosecutor Archimedes Manabat na hindi dahil naisampa na ng NBI ang kaso sa DOJ ay tanggap na ito.
Ipinaliwanag ni Manabat na bahagi ng proseso at gawain ng mga fiscal ng DOJ na ibasura o ibalik ang kaso sa NBI.
"Kung walang makikitang matatag na ebidensya na magbibigay daan para sa preliminary investigation ay pwedeng ibasura agad ang kaso o ibalik sa pinagmulan para sa mas malalim pang imbestigasyon.
Kabilang sina State Prosecutor Aida Macapagal at Mark Jalandoni sa three-man panel na mag-iimbestiga sa kaso ng napaslang na aktres.
Samantala, sinabi ni Manabat na hindi na nila tatanggapin ang kahit na anong counter-affidavit mula kay Rod Strunk na ngayon ay nasa California maliban na lamang aniya kung ito ay sinumpaan sa harap ng Philippine consul sa estadong ito ng Amerika. (Ulat ni Andi Garcia)