Sa 30-pahinang desisyon na iginawad ni Pasay City RTC Judge Henrick Gingoyon ng Branch 117, ang hinatulan ay si Agus Dwikarna, isang negosyante. Bukod sa hatol na 17 taong pagkakulong, pinagbabayad din ito ng korte ng halagang P50,000.00 matapos na mapatunayan na nagkasala sa kasong illegal possession of firearms and ammunition.
Ayon sa rekord ng korte, si Dwikarna at dalawa pa nitong kasamahan na nakilalang sina Abdul Jamal Balfas at Jamsid Lim ay nasabat noong Marso 13 ng taong kasalukuyan sa loob ng NAIA matapos na mahulihan ng mga baril, bala, bomba at explosive device.
Walang sapat na ebidensiya na nakuha sa dalawa kung kaya inalpasan ito ng Pasay City Prosecutors Office.
Tanging kay Dwikarna nakuha ang mga ebidensiya.
Naging mabilis ang isinagawang paglilitis sa kaso at tumagal lamang ng may isang buwan ang pagdinig dito.
Ayon sa intelligence report ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang nasabing akusado ay pinaniniwalaang konektado sa Al Qaeda Network ni bin Laden at ang mga ito ay pumasok sa bansa para dito maghasik ng panggugulo subalit naagapan sila sa airport pa lamang.
Gayunman, nilinaw ng Huwes na ang naging hatol na 17-taong pagkabilanggo ay base sa nakuha ditong mga eksplosibo at armas at hindi ang pagiging miyembro nito ng Al-Qaeda Network.
Samantala, habambuhay na pagkabilanggo naman ang inihatol ng Valenzuela Regional Trial Court laban sa isang mister na napatay sa gulpi ang kanyang misis noong nakalipas na taon sa nasabing lungsod.
Sa 15-pahinang desisyon ni Valenzuela RTC Branch 72 Judge Floro Alejo, ang hinatulan ay si Joselito Caneja, 41, ng Karuhatan, Valenzuela City.
Bukod dito, pinagbabayad din ng korte ang akusado ng halagang P100,000 sa mga naulila ng biktima na si Florentina Caneja bilang moral damages.
Batay sa rekord ng korte, naganap ang insidente noong Mayo 14, 2001 at ang krimen ay nasaksihan mismo ng isa nilang anak at mga kapitbahay. (Ulat nina Lordeth Bonilla/Rose Tamayo)