Sinabi ni DOJ State Prosecutor Nestor Lazaro, hindi dapat payagan ng hukuman ang naturang kahilingan ni Kumander Global dahil balido naman ang ginawang pag-aresto dito ng militar.
Nilinaw ni Lazaro na may hawak na warrant of arrest ang mga tauhan ng Army nang inaresto ito noong Hulyo 8, 2001 sa Rutuan, Zamboanga City.
Ginawa ng DOJ ang pagtutol makaraang maghain ng apat na pahinang motion for release for preliminary investigation si Global sa sala ni Pasig RTC Branch 163 Judge Lelil Suarez Acebo.
Ikinatuwiran ni Kumander Global na ilegal ang ginawang pag-aresto sa kanya dahil wala umanong dalang arrest warrant ang mga awtoridad nang siya ay dakpin. Hiniling din ni Kumander Global na bawiin ng DOJ ang inihain nito sa hukuman na impormasyon dahil walang basehan ang lahat ng inihaing demanda laban sa kanya.
Si Kumander Global, kasama sina Ghalib Andang alyas Kumander Robot, Khadafy Janjalani, Mujib Susukan, Radulan Sahirong at 30 iba pa ay kinasuhan ng kidnapping sa sala ni Judge Acebo dahil sa pamumuno ng mga ito sa pagdukot sa 21 dayuhan sa Sipadan Island. (Grace Amargo)