Crane operator inambus

Isang crane operator na kilala bilang isang ‘Anti-gambling crusader’ ang nasawi matapos itong tambangan ng isang hindi nakikilalang salarin, kamakalawa ng gabi sa bayan ng Navotas.

Kinilala ni Navotas Police Station chief Supt. Roberto Villanueva ang biktima na si Ronneo Nanale, 40, ng Barangay Daang Hari, ng nabanggit na bayan.

Base sa inisyal na imbestigasyon naganap ang insidente, dakong alas-7 ng gabi habang ang biktima ay naglalakad sa kahabaan ng Everlasting St., Tabing-dagat, San Roque papauwi sa kanyang bahay.

Nabatid na bigla na lamang lumitaw mula sa madilim na bahagi ng naturang kalye ang salarin at agad na niratrat ng baril ang biktima.

Narekober ng pulisya sa lugar ng krimen ang dalawang basyo ng bala ng 9mm na baril.

Gayunman, patuloy pang inaalam ng pulisya ang motibo sa isinagawang pagpaslang sa biktima. (Rose Tamayo)

Show comments