Milyonaryang ginang itinangging sangkot sa pagpatay sa private nurse ng asawa

Mariing itinanggi ng isang milyonaryang ginang na siya ang bumaril at nakapatay sa private nurse ng kanyang mister na naganap noong nakalipas na Abril 12 sa Las Piñas City.

Sa 10 pahinang sagot ni Marybeth Prieto de Leon-Lopez, 57 ng #104 Dan St., Ayala-Alabang Village, Muntinlupa City na isinumite ng kanyang abogado kay Las Piñas City State Prosecutor Mario Manrobang, nakasaad ang mariin nitong pagtanggi na hindi siya ang bumaril at pumatay sa biktimang si Velma Andrada, 43, ng #16 Chico St., Golden Acres Village, Brgy. Talon, Las Piñas City.

Nakasaad sa counter affidavit ng naturang suspect na walang sapat na ebidensiya laban sa kanya at walang mga saksing nagtuturo sa kanya.

Sa isinagawang preliminary investigation sa piskalya ng Las Piñas, hindi sumipot ang nabanggit na suspect at tanging ang abogado lamang nito ang dumating at nagharap ng kanyang counter affidavit.

Ayon sa isang impormante, noong Martes umano nagtungo si Lopez sa Prosecutor’s Office.

Base sa sagot ni Lopez, walang sapat na ebidensiya laban sa kanya para idawit sa kasong murder kasabay nang pagsasabing hindi niya kayang pumatay ng tao.

Matatandaan na noong Abril 12 dakong alas-7:30 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ni Andrada na may tama ng bala ng baril sa panulukan ng Elizalde St. at Tropical Avenue, B.F International Resort Village sa lungsod na ito.

Base sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na tumangging magbigay ng impormasyon sa suspect ang biktima hinggil sa pambababae ng asawa nito.(Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments