Aircon sumabog, technician durog

Sunog at halos magkaputul-putol ang katawan ng isang 50-anyos ng aircon technician matapos itong aksidenteng masabugan ng kinukumpuning aircondition, kamakalawa ng hapon sa Navotas.

Namatay noon din ang biktimang nakilalang si Leopoldo Jimenez, 50, ng Robes Subdivision, San Jose del Monte, Bulacan matapos ang matinding pagsabog.

Lumabas sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Noel Banares, may hawak ng kaso na dakong alas-3:30 ng hapon ng maganap ang nasabing insidente sa loob ng pinapasukang kompanya ng biktima sa F. Pascual St., San Jose, Navotas.

Kasalukuyan umanong kinukumpuni ng biktima ang isang aircon unit at nasa aktong tinetesting ito ng bigla na lamang makarinig ng malakas na pagsabog.

Kasunod nito ang paghandusay ng sunog na sunog na katawan ni Jimenez na halos maputol ang kaliwang braso.

Isa pang kasamahan ni Jimenez na nakilalang si Sabino Arce, 38, ang bahagya namang nasugatan sa naturang insidente. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments