Kinilala ni PNP-Nargroup Chief director Efren Fernandez ang Tsinong suspek na si James Lee, 25 at mga kasamahang Pinoy na sina Josefino Fernandez, 36, taxi driver, ng 826 Linampas St., Tondo at Elmer Dawa, 37, ng Lot 42, Block 69 Phase 4, Bagong Silang, Caloocan City.
Sinabi ni Fernandez na naunang nadakip ng mga awtoridad si Lee sa isinagawang buy bust operation dakong alas-2 kamakalawa ng hapon sa Panay Avenue, Quezon City.
Nakuha mula sa pag-iingat ni Lee ang may limang kilo ng high grade na metamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng P10 milyon na nakalagay sa 26 na container ng Pringles Potato Snack.
Samantala, dakong alas-2:30 ng hapon nasabi ring araw nang maaresto sina Fernandez at Dawa sa Binondo, Maynila.
Umaabot naman sa dalawang kilo ng shabu ang nasamsam kina Fernandez at Dawa na nagkakahalaga ng P4 milyon. Isinakay ang ipinagbabawal na droga sa isang Tamaraw FX na may plakang PXA-216.
Tiniyak naman ni PNP Chief Director Leandro Mendoza na maging sa panahon ng Semana Santa ay hindi titigil ang pamunuan ng PNP sa pagmomonitor ng mga sindikato ng droga.
Inamin ni Mendoza na kadalasang isinasagawa ang operasyon ng drug trafficking sa holiday season. (Ulat ni Doris Franche)