Sundalo todas sa saplok ng kotse ni 'Jose Marie Gonzales'

Patay ang isang sundalo ng Philippine Army matapos itong mabundol ng sasakyan ng isang lalaking kapangalan ng premyadong aktor at dating San Juan Congressman Jose Marie Gonzales na nasa kritikal namang kondisyon matapos maganap ang insidente sa C-5 Road, Taguig, Metro-Manila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Technical Sgt. Abraham Undisimo, 37, nakatalaga sa Phil. Army General Headquarters sa Fort Bonifacio.

Ang nakabangga ay sinasabing si Jose Marie Gonzales, 28, ng #22 Kingfisher St., Green Meadows, Quezon City, na nilalapatan ng lunas sa hindi malamang ospital dahil sa umano’y masamang kondisyon nito.

Ayon kay Leonardo Maceda, ng Taguig Traffic Enforcement Group, nangyari ang insidente dakong alas-8:00 kamakalawa ng gabi, sa may Wild Cat Village, C-5 Road, South bound road ng nasabing lugar.

Ayon sa ulat, papatawid ang biktima ng hindi nito namalayan ang rumaragasang kotseng Toyota Corolla na may plakang TEJ-273 na minamaneho ni Gonzales.

Sabi sa report, hindi na umano nakontrol ni Gonzales ang takbo ng kanyang sasakyan kaya nabangga umano nito ang biktima. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments