Batay sa 14-pahinang desisyon ni QCRTC Judge Teodoro Bay, si Ronald Cardino, 39, ay pinatawan ng parusang two counts ng reclusion perpetua matapos na mapatunayang nagkasala sa pagpatay sa mag-amang Leodegario Coming Sr. at Leodegario Coming Jr. noong Abril 1996 sa kahabaan ng Gregorio del Pilar St., Bagong Silangan ng naturang lungsod.
Lumilitaw sa record ng korte na naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi noong Abril 7, 1996 habang ang biktima ay masayang nakikipagkuwentuhan sa kanyang mga barkada sa harap ng bahay nito.
Bigla na lamang lumapit ang suspect na si Cardino kasama ang isang nagngangalang Nora at Nilo Cardino at nakatingin ng matalim sa biktimang si Coming Jr. na ikinagalit naman nito. Sinabihan ng biktima ang suspect ng "Ang sama mong makatingin, kakainin kong mata mo."
Dahil dito, walang sabi-sabing sinaksak ni Cardino ang batang Coming dahilan upang bumagsak ito sa kaibigang si Noel Guartito. Pinilit pa rin ng biktima na makalayo.
Bunga na rin ng ingay, lumabas ang matandang Coming at nagmamakaawa kay Cardino na tigilan na ang paghabol sa kanyang anak.
Pinagbalingan naman ng suspect ang matandang Coming na nagtamo ng saksak sa tagiliran ng kanyang katawan.
Samantala, ibinasura naman ng korte ang kaso laban kay Nora Cardino samantalang hanggang sa ngayon ay pinaghahanap pa ang isang suspect na si Nilo.
Inatasan din ng korte si Cardino na bayaran ang pamilya ng biktima ng P200,000 bilang civil indemnity at moral damages. (Ulat ni Doris M. Franche)