Ito ang naging pahayag kahapon ng mahigit sa 100 katao na dumagsa kahapon sa Senado upang tutulan ang kumpirmasyon ng kalihim.
Ani ng mga raliyista na miyembro ng Block Alvarez Movement! (BAM!), isang samahan na binubuo ng mga manggagawa sa industriya ng paliparan at mga multi-sectoral groups, hindi karapat-dapat na maupo si Alvarez dahil sa hindi umano ito nagsisilbi para sa mga mamamayan.
Sinabi ng mga ito na ang kawalang-aksyon ni Alvarez hinggil sa umanoy maanomalyang Philippine International Airport Terminal Corp. (PIATCO) deal ay maaaring magresulta sa pagkawala ng trabaho ng mahigit 10,000 manggagawa sa industriya.
Kung ipagpapatuloy ang PIATCO deal ay hindi lamang ito ang magiging bunga. Anila, hindi rin magiging matatag ang ekonomiya sa kadahilanang puwersahang magsasara ang mga maliliit na lokal na negosyo sa industriya ng paliparan.
"Magsasara ang ibang negosyo sa paliparan bunga ng probisyon sa kontrata ng PIATCO na dapat ay monopolyado nito ang serbisyo sa paliparan sa pang-ibayong dagat," paliwanag ni Romy Sauler, press relations chair ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA) na miyembro rin ng BAM!.
Ani pa ng grupo, kung manonopolyo ng PIATCO ang industriya ay magbubunga rin ito ng pagtaas ng singil sa pasahe ng eroplano.
Samantala, matapos malaman ang pagdagsa ng mga raliyista sa Senado ay pumunta si Alvarez para makausap ang mga lider ng mga ito.
Sa isang panayam, sinabi ng kalihim na makukuha sa maayos na usapan ang lahat at di na kailangan pang umabot sa madugong komprontasyon.
Sa kasalukuyan ay isinasagawa ang pag-uusap sa pagitan nina Alvarez at BAM!. Ilan sa mga humarap sa panig ng BAM! ay si PALEA president Alexander Barriento at Miascor Workers Union president Jun Adan. (Ulat ni Rudy Andal)