Misis inumbag, pinalakad ng hubad ng live-in partner

Binugbog at tinutukan ng patalim, hinubaran at pinalabas ng bahay upang ipahiya sa karamihan ng tao ang isang 44-anyos na ginang ng kanyang live-in partner dahil sa labis na selos rito kahapon ng madaling araw sa Makati City.

Ang biktima na tumanggap ng nakahihiyang parusa mula sa selosong mister ay si Editha de Vera, ng 2468 Pasong Tirad St., Brgy. Tejeros ng lungsod na ito.

Ang suspect na ipinag-utos na tugisin ay nakilalang si Daniel Sabado, 28, live-in ng biktima.

Nagalit si Sabado sa pag-alis-alis ng bahay ni de Vera at naghihinala ito na mayroong ‘milagrong’ ginagawa ang live-in.

Hinarap ng suspect ang kinakasama hanggang sa nauwi sa mainitang pagtatalo ang dalawa.

Nabatid na ginulpi muna ni Sabado ang ginang bago ito tinutukan ng patalim sa leeg. Di pa nakuntento ay pinaghubad ng damit at sapilitang pinalalabas ng bahay upang mapahiya ang biktima sa maraming tao.

Bunsod ng labis na kahihiyan ay humingi ng saklolo sa ilang residente ang ginang na naging dahilan upang awatin ang mister.

Dito nagkaroon ng pagkakataong makatakas ang ginang hanggang sa ito ay nagtungo sa himpilan ng pulisya upang ireklamo ang nabanggit na suspect. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments