Sinabi ni Civil Aeronautics Board (CAV) deputy executive director Carmelo Arcilla na pinayagan nang makapagdagdag ng 10 flights ang Emirates Air matapos ang isinagawang petisyon nito.
Una nang nagpahayag ng pangamba si Fe Nicodemus, pinuno ng may 100,000 OFWs sa United Arab Emirates na baka marami sa kanila ang ma-stranded dahil sa kakulangan ng mga flights pauwi sa Pilipinas ngayong Disyembre.
Bukod sa Emirates Air, pinag-aaralan na ng CAV kung aling mga airlines pa ang kanilang bibigyan ng dagdag na flights sa iba pang bahagi ng Middle East.
Kasabay nito, inihayag ni Arcilla na inaprubahan na nila ang 10% adjustment sa pasahe sa domestic flights matapos na tugunan ng CAV ang petisyon nito dahil sa pagkalugi umanong dinaranas dahil sa mataas na inflation rate mula Hunyo hanggang Setyembre at pagtaas ng halaga ng presyo ng gasolina sa eroplano.
Nakatakda umanong ipatupad ang pagtataas bago sumapit ang Enero ng taong 2002. (Ulat ni Danilo Garcia)