Agad na nasawi sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang mga biktimang nakilalang sina Teddy Muyco, 50 at kinakasama nitong si Ofelia Ruiz, 40, empleyado ng Public Order and Safety Office (POSO) ng Mandaluyong City Hall at kapwa residente ng 641 Nueve de Pebrero, Barangay Addition Hills, ng lungsod na ito.
Hindi naman mabatid sa mga nakasaksi kung ilan ang mga suspect na bumaril at nakapatay sa dalawa matapos na magkanya-kanyang takbo ang mga ito matapos isagawa ang krimen.
Sa ulat ni SPO2 Jaime Masilang, may hawak ng kaso na binabagtas ni Muyco ang kahabaan ng San Clemente St. kasama si Ruiz sakay ng kanilang jeep na may plakang (NVH-910) nang sumakay umano rito ang mga suspect dakong alas-5:22 ng hapon.
Nang dumating sa tapat ng Mandaluyong cockpit arena sa may Shaw Blvd. dito na umano nagbunot ng baril ang mga suspect at pinaputukan ang dalawang biktima.
Binanggit pa ni Masilang na may isang taon na umanong nagsisilbing informer ang mag-asawa sa POSO at sa pulisya ukol sa operasyon ng mga drug pusher sa lungsod. Maaari umanong isang malaking sindikato ang nasagasaan ng dalawa na siyang utak sa pagpatay sa kanila. (Ulat ni Danilo Garcia)