Ito ay matapos na magpalabas kahapon ng desisyon ang Supreme Court na nagbabasura sa apela ni Jalosjos upang siya ay ipawalang-sala hinggil sa kasong acts of lasciviousness.
Nabatid mula sa 46-pahinang desisyon ng Mataas na Hukuman sa panulat ni Associate Justice Consuelo Ynares-Santiago, isinantabi nito ang inihaing petisyon ng kongresista dahil sa walang merito ang inihain nitong mosyon.
Una nang hinatulan si Jalosjos ni Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 62 Judge Roberto Diokno ng dalawang ulit na habambuhay na pagkabilanggo dahil sa kasong rape at anim na bilang ng kasong acts of lasciviousness, noong Hunyo 1996.
Iginiit ni Jalosjos na mali ang naging desisyon ni Judge Diokno kayat nararapat lamang siyang iabsuwelto ng Mataas na Hukuman.
Ayon sa SC, tama ang naging hatol ng mababang hukuman dahil sa ginawang panghahalay ni Jalosjos sa menor-de-edad nitong biktima.
Nabatid na maaari pa rin namang maghain ng isang motion for reconsideration (MR) si Jalosjos sa SC. Kapag hindi na kinatigan ng Korte Suprema ay inaasahang mapapatalsik na sa puwesto si Jalosjos bilang kongresista ng Zamboanga del Norte. (Ulat ni Grace Amargo)