Swindler na Aleman, nasakote ng BI

Isang Aleman ang nasakote ng mga tauhan ng Bureau of Immigration kamakailan alinsunod sa kahilingan ng German Embassy dahil na rin sa patong-patong na kaso nitong swindling sa maraming European nationals.

Kinilala ni BI Intelligence Chief Lino Calinsangan ang nadakip na suspect na si Heinz Dietrich Saupe na naaresto sa mismong tirahan nito sa Fortune Executive Homes sa Davao City.

Sa imbestigasyon ay nabatid na nadakip ang suspect makaraang magharap ng kaukulang reklamo ang isang European foundation, ang European Community Technical and Scientific Assistance Philippines Foundation, Inc. na nakabase sa Davao at tumutulong sa mga dayuhang nangangailangan ng pinansiyal na ayuda.

Sinasaad sa reklamo na ang suspect ay ilang ulit na nangutang ng pera sa nasabing foundation na umano’y gagamitin niya para tustusan ang proyekto sa Davao na sa pagsisiyasat ay lumilitaw na isang ghost project lamang.

Nabatid pa na may modus operandi ang suspect na ipagharap ng ibat-ibang reklamo ang mga foundation na kanyang inuutangan para mapilitan ang mga ito na muling magpautang sa kanya. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments