Hanggang sa ngayon ay patuloy pa ring nahihiwagaan ang pulisya sa pagkatao ng nasawing si Henry Hidalgo, 38 dahil maging ang mga kamag-anak nito ay walang masabi tungkol sa trabaho nito maliban lamang sa nalaman nila na nagpa-convert ito sa Islam.
Lalong lumaki ang paniwala ng pulisya na kabilang ang nasawi sa grupo ng terorista lalot narekober dito ang may 20 kilong powder at mga paraphernalia na ginagamit sa paggawa ng bomba.
Sinabi naman ni Tess Valencia, chief Public Information Office (PIO) ng Muntinlupa City Hall na ayon na rin sa iba pang kaanak ni Hidalgo, ito umano ay may diprensiya sa pag-iisip, nasangkot na umano ito sa pagpapasabog sa isang barangay hall ilang buwan na ang nakakaraan.
Nabatid pa na madalas na nagkukulong sa bahay si Hidalgo at kung lalabas naman ay sa gabi na at nagsusuot pa ng wig upang hindi makilala ng mga taong makakasalubong niya.
Napag-alaman pa rin sa pulisya na bukod sa pagkakaroon nito ng dalawang kasong pagpatay, si Hidalgo ay dating bodyguard ng isang politiko na hindi binanggit ang pangalan sa probinsiya nito sa La Union. (Ulat ni Lordeth Bonilla)