Bitay sa gumahasa at nang-sex slave sa dalawang dalaga

Pinatawan ng parusang kamatayan ng Makati City Regional Trial Court ang dalawang lalaki makaraang gahasain at gawing sex slave ang dalawang dalaga noong nakaraang Enero ng kasalukuyang taon sa nabanggit na lungsod.

Sinentensiyahan ni Judge Roberto Diokno ng Makati RTC Branch 62 ng parusang bitay ang mga akusadong sina Oliver Arevalo Jr. at Herminigildo Organista matapos mapatunayang guilty sa kasong rape na isinampa ng dalawang biktima na sina Regina at Ruth, kapwa 19-anyos.

Bukod sa parusang kamatayan, pinagbabayad din ng korte ang mga akusado ng mahigit sa P700,000 bilang danyos perwisyo sa mga biktima.

Batay sa rekord ng korte, ginawang sex slave ng dalawang akusado ang mga biktima sa pagitan ng Enero 23, 2001 at Pebrero 14, 2001.

Napag-alaman pa na nakilala ng biktimang si Regina ang dalawang akusado sa Fairview, Quezon City na nangakong tutulungan siyang makahanap ng trabaho.

Sumama ang biktimang si Regina sa dalawa at dinala siya sa bahay ni Arevalo sa Brgy. Cembo sa Makati at doon siya halinhinang ginahasa. Doon din niya nadatnan ang biktimang si Ruth na nakakulong sa isang kuwarto.

Ibinebenta rin umano ng mga akusado ang dalawang dalaga sa kanilang mga kliyente sa halagang P100 lamang. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments