Holdaper patay sa doktor

Hindi umubra sa gun duel ang isang magnanakaw nang tatlong beses siyang tamaan ng bala at mapatay ng isang doktor na may-ari ng establisimiyentong pinasok niya, kamakalawa ng hapon sa Pasig City.

Kasalukuyang inaalam pa ngayon ng pulisya ang pagkakakilanlan ng nasawing suspect na nasa pagitan ng edad 20-25, payat, may taas na 5’2’’, nakasuot ng maong pants, asul na long-sleeves t-shirt at naka-sandalyas.

Sa ulat ni PO3 Efren Calix, imbestigador, pinasok ng suspect ang Bernales General Merchandise sa may #187 Melbourne St. corner Washington St. Greenpark Village, Brgy. Manggahan, ng lungsod na ito, dakong ala-1:10 ng hapon.

Agad na tinutukan ng suspect ang mga bantay nito gamit ang armas niyang kalibre .38 at nagpahayag ng holdap. Dito naman sumulpot ang may-ari ng tindahan na si Dr. Valentine Bernales, 53, medico-legal officer IV ng Camp Crame, na agad na pinaputukan ng suspect.

Masuwerte namang nakatago agad si Bernales at gumanti ng putok gamit ang kanyang kalibre .45 kung saan tatlong beses na tinamaan sa likod ang papatakas na suspect.

Wala namang naiulat na nadamay sa palitan ng putukan. Nakuha sa lugar ng krimen ang baril na ginamit ng suspect. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments