Trader patay sa ambush

Isa na namang negosyante ang inambus at napatay ng dalawang armadong lalaki kahapon ng hapon sa kahabaan ng North Avenue at Mindanao Avenue sa Quezon City.

Nakilala ang nasawing biktima na si Ernesto Vergara, isang construction equipment dealer at naninirahan sa Araneta Avenue, Quezon City.

Base sa paunang imbestigasyon, dakong alas- 3 ng hapon ng maganap ang insidente sa kanto ng Mindanao at North Avenue sa Quezon City.

Base sa imbestigasyon, lulan ang biktima sa kanyang kulay puting Toyota Prado na may plakang WAF-500 at nahinto dahil sa red light.

Bigla na lamang sumulpot ang dalawang suspect na armado ng 9mm caliber at binaril nang malapitan ang biktima.

Ang biktima ay nagtamo ng 15 tama ng bala ng baril sa ibat-ibang bahagi ng katawan at ulo.

Matapos matiyak na patay na ang biktima ay agad na tumawid pakabila ang mga suspect at saka tumakas lulan ng nag-aabang na motorsiklo.

Hindi pa mabatid kung ano ang posibleng motibo ng isinagawang pagpaslang sa biktima.(Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments