Sa ginanap na press briefing kahapon sa Camp Crame, iniharap kahapon sa mga mamamahayag ni National Anti-Crime Commission Anti-KFR Task Force (NAKTAF) chief, Police Deputy Director General Hermogenes Ebdane Jr., ang mga nadakip na suspect.
Kinilala ang mga nahuling suspect na sina Jason Lim, 28; Jacky Sy King alyas Shi Jian Hui, 22; Aaron Chang Tin, 35; Tony Co, alyas Xu You Kuang, 21; Zhang Xi Wang, 20; Zhang Du, 35; at Ocampo Jacky Sy, pawang nanunuluyan sa Bacoor, Cavite.
Ang mga ito ay dinakip kamakalawa ng gabi sa magkakasunod na operasyon ng NAKTAF operatives sa Metro Manila, Cavite at Tarlac.
Ang mga suspect ay itinuturong responsable sa pagdukot kina Jacqui Rowena Tiu at ina nito noong Setyembre 27 sa La Union. Mapalad na nakatakas ang hindi nakikilalang ginang at ito ang nagsumbong ng pagdukot sa kanyang anak sa San Fernando City Police Station.
Gayunpaman, sa kabila ng pagsusumbong sa awtoridad ng pangyayari ay humirit pa rin ng ransom payment ang mga kidnappers sa pamamagitan ng ilang ulit na pagkontak sa pamilya ni Tiu.
Unang humingi ang mga kidnappers ng US$1 milyon ngunit pagdakay napagkasunduan ang P10 milyon na kabayaran kapalit ng kalayaan ng biktima.
Itinakda ang pay-off sa bisinidad mismo ng Manila Hotel kamakalawa at ang biktima ay ligtas na nabawi sa NAIA 2 terminal.
Ilang sandali matapos ang pagpapalaya sa biktima ay nagsagawa na ng operasyon laban sa mga suspect ang kinauukulan hanggang sa kumpletong makuha sa mga ito ang P10 milyon na ransom money, 3 ibat ibang uri ng baril, isang Mitsubishi Adventure at pitong cellular phone.
Sa kasalukuyan ay isinasailalim pa sa tactical interrogation ang pitong Intsik upang malaman kung matagal nang nag-ooperate ang mga ito sa bansa at kung sinu-sino ang iba pa nilang kaalyadong kriminal dito. (Ulat ni Joy Cantos)