Misis na nagmura sa balikbayan, tinodas

Dahil sa walang tigil na pagmumura, kamatayan ang sinapit ng isang 28-anyos na ginang nang barilin siya nang malapitan sa ulo ng isang 45-anyos na balikbayan na pabastos na nagbiro sa una, kahapon ng madaling-araw sa Mandaluyong City.

Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang tumakas na suspect na si Federico Conde, binata, at residente ng #584 F. Blumentritt St., Brgy. Hulo, ng lungsod na ito.

Dead-on-arrival naman sa Mandaluyong City Medical Center ang biktimang si Flordeliza Eslanda, ng #128 Private Road, Brgy. Hulo. Nagtamo ito ng tama ng bala sa kaliwang pisngi na tumagos sa likod ng ulo nito.

Sa ulat ni PO3 Fernando Aguilan, nabatid na naganap ang insidente dakong ala-1 ng madaling-araw sa burol ng namayapang SPO1 Romeo Maglantay Sr., isang pulis-Maynila, sa loob ng St. Joseph Chapel, Integral St., Brgy. Hulo.

Nabatid na binulungan umano ng suspect si Eslanda ng isang bastos na biro. Hindi naman ito nagustuhan ng biktima sanhi upang pasigaw na pagmumurahin ang suspect hanggang sa tuluyang maeskandalo ang lamay.

Napikon umano ang suspect hanggang sa bumunot ito ng kanyang .9mm na baril at binaril sa mukha ang biktima. Mabilis itong tumakas gamit ang kanyang Mitsubishi Lancer (FYU-888). (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments