Hindi na umabot nang buhay makaraang isugod sa Tondo Medical Center matapos tablan ng mga saksak sa katawan ang dalawa na nakilalang sina Alfredo Jarol, 57 at Crispin Lubin, kapwa residente ng Area 2 Blk 32, Kaunlaran Village ng nabanggit na lugar.
Lumabas sa ulat na dakong alas-10:30 ng gabi nang magduwelo ang dalawa sa may Blk. 25 Phase 2 ng nasabing lugar.
Nauna dito ang dalawa ay nag-iinuman kasama ang ilan nilang kabarkada sa bahay ng isa nilang kaibigan sa naturang lugar at habang nagkakasayahan ang grupo ay bigla na lamang umanong tumayo at ipinagyabang ni Jarol ang kanyang itinatagong anting-anting na ang bisa nito ay hindi siya tinatablan ng bala.
Sa pagkakataong ito ay bigla ring tumayo si Lubin at inilabas ang umanoy kanyang anting-anting. Tumindi ang yabangan ng dalawa hanggang sa magkaroon ng pagtatalo at nauwi upang kapwa maglabas ng patalim at nag-duwelo ang mga ito.
Kapwa nagtamo ng mga saksak sa katawan ang dalawa at kapwa rin hindi na umabot nang buhay sa pagamutan. Patunay umano na hindi sila nailigtas ng mga taglay nilang anting-anting. (Ulat ni Gemma Amargo)