Estudyante nabagsakan ng gate na bakal, patay

Patay na nang idating sa pagamutan ang isang graduating high school student matapos itong madaganan ng bakal na gate na binangga ng isang kotse, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.

Nakilala ang nasawi na si Julius Largo, 16, estudyante ng hindi binanggit na paaralan, nakatira sa #155 Masville St., Brgy. BF.

Samantala, kusang loob namang sumuko sa Parañaque City Traffic Division ang suspect na si Ruben Sumalinog, 53, may asawa, nakatira sa Olivarez Compound, Landayan, San Pedro, Laguna.

Base sa imbestigasyon ni SPO4 Santos Milla, naganap ang insidente dakong alas-8:15 kamakalawa ng gabi sa Kaymart Corp. na matatagpuan sa West Service Road, Brgy. San Antonio, Sucat.

Nabatid na nakatayo ang biktima sa harapan ng bakal na gate at hindi nito namalayan ang paparating na humaharurot na Mazda van na may plakang PFG-349 na minamaneho ng suspect na si Sumalinog.

Nabatid na nabangga ng nasabing sasakyan ang gate na bakal habang nakatayo naman ang biktima.

Nadaganan ng bakal na gate si Largo na sanhi ng pagkabagok ng ulo at maagang kamatayan nito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments