Mag-amang adik nag-trip, dinakip

Inaresto ng pulisya ang isang mag-amang adik na kapwa gumamit ng shabu at pagkatapos ay kapwa nag-trip.

Ang ama ay nagtangkang sunugin ang kanilang bahay, samantalang minolestiya naman ng anak na lalaki ang kanyang nakababatang kapatid, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Kinilala ni Supt. Dionicio Borromeo, hepe ng Station Investigation and Intelligence Division (SIID) ang mag-amang suspect na sina Amado Cada Jr., 45 at at anak na si Juanito, 24, kapwa residente sa 281 M.H. del Pilar St., 5th Avenue Grace Park ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7 ng gabi ng maganap ang pagti-trip ng mag-ama sa loob ng kanilang tahanan habang magkasamang suminghot ng shabu ang dalawa.

Matapos na malango sa ipinagbabawal na droga ay mabilis na nagtungo si Juanito sa loob ng silid ng kanyang 20-anyos na kapatid na babae at doon minolestiya ito at pinaghihipuan sa maseselang bahagi ng katawan.

Kinompronta at pinagalitan umano ng ina ang binata nang malaman ang ginawa nito. Sa gitna ng komprontasyon ng mag-ina ay narinig ito ng amang si Amado at dahil sa epekto ng ipinagbabawal na gamot ay bigla na lamang itong nagwala at binuhusan ng gasolina ang kanilang bahay at saka sinindihan.

Agad namang naagapan ng kanilang mga kapitbahay ang paglaganap ng apoy at mabilis ding inaresto ng mga ito ang mag-amang adik. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments