Nabatid na nakatanggap ng memorandum ang NAPOLCOM mula sa tanggapan ng Malacañang bilang pagkuwestiyon hinggil sa naganap na midnight promotion nina Chief Superintendents Manuel Cabigon; Enrique Atanacio, Reinerio Albano; George Ancheta; Gregorio Dolina; Simeon Dizon Jr.; Quirino del Torre; Marcelo Ele Jr.; Rolando Garcia; Eduardo Gador; Jaime Lasar; Jilhani Nani; Jose Marlowe Pedrosa at Roland Villano.
Napag-alaman na pinaiimbestigahan ni NAPOLCOM Vice-chairman Rogelio Pureza ang Legal Affairs Service kung mayroong legal remedy sa promosyon ng 14 na heneral.
Sinabi ng isang legal expert ng komisyon at ng Department of Interior and Local Government (DILG), kapag hindi aniya na-justified ang legalidad ng promosyon ng 14, malamang na bumalik sa ranggong senior superintendents ang 14 na heneral.
Samantala, sinabi naman ng isang PNP general na kabilang sa posibleng maapektuhan sa usapin na nakasaad sa Republic Act 6975 na ang mga director ng support unit na may ranggong colonel na nasa posisyon ng anim na buwan ay maaaring i-promote sa one-star general.
Kayat ayon dito, legal ang iginawad na promosyon sa kanila bilang mga one-star general. (Ulat ni Lordeth Bonilla)