Jackie Forster sugatan sa banggaan

Dinala sa pagamutan ang aktres na si Jackie Forster matapos sumalpok ang sasakyan nito sa isang sasakyan kamakalawa sa San Juan.

Habang si John Henry Papa, 1 taon at siyam na buwang gulang na lulan ng sasakyan na nakabanggaan ni Forster ay dinala naman sa National Children’s Hospital dahil sa mga tinamong sugat sa katawan.

Agad ding nakalabas sa St. Luke’s Medical Center si Forster, 24, ng Valencia Hills Towers, Quezon City matapos lapatan ng first aid ang mga tinamo nitong galos.

Sa ulat ng pulisya na binabagtas ni Forster ang kahabaan ng Ortigas Avenue dakong alas-2:15 ng madaling araw sakay ng kanyang kotseng Toyota Camry (UNZ-381).

Nawalan umano ng kontrol si Forster at hindi na nito naiwasan na mabangga ang Isuzu Elf (UGG-789) na minamaneho ni Norberto Papa, 30, ng 1st West Crame, San Juan kasama ang anak na si John Henry.

Nasira lamang ang hood ng sasakyan ng aktres habang bahagyang napipi naman ang tagiliran ng Isuzu. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments