Ayon kay Inspector Tito Lauriano,hepe ng Makati City Police Station 5, hinihinala nilang may kinalaman ang cook ng Riken restaurant na nakilalang si Michael Caranto, 35, hinggil sa naganap na panloloob ng tatlong kalalakihan kahapon sa nabanggit na Japanese restaurant.
Sa isinagawang imbestigasyon, pinasok ng tatlong armadong kalalakihan ang naturang restaurant dakong alas-10:30 ng umaga na matatagpuan sa panulukan ng Camagong at Lawayan Sts., sa Brgy. San Antonio Village, Makati City.
Mabilis na nakapasok ang tatlo dahil bukas rin ang pinto ng accounting office, ayon pa sa mga imbestigador.
Masusing iniimbestigahan ng pulisya si Caranto dahil nagtataka ang mga kasamahan nito kung bakit ito pumasok kahapon samantalang day-off ito.
Inutusan pa umano ni Caranto ang cook helper na si Benjamin Pictado , 27, na huwag isara ang pinto sa likod ng restaurant dahil may darating pang delivery.
Tinatayang aabot sa P.4 milyong cash ang nakulimbat ng mga suspect sa accounting office na nakatakda sanang ideposito kahapon bago naganap ang panloloob. (Ulat ni Lordeth Bonilla)