Sa kabila ng pagsasagawa ng rally ng mga guro sa naturang paaralan ay hindi naapektuhan ang kanilang pagtuturo at patuloy pa rin ang klase ng mga estudyante dito.
Napag-alaman na habang nagtuturo ay may suot na mga wristband ang mga guro bilang simbolo ng protesta laban sa kanilang principal na si Lazaro Gervacio IV.
Ayon sa mga guro, hindi naapektuhan ang klase dahil sa ang mga gurong pang hapon ay sa umaga nagra-rally samantalang ang mga pang-umaga ay sa hapon naman sumasama sa kilos-protesta.
Matatandaang nagpadala na ng petisyon noong Pebrero 8, 2001 kay Education Secretary Raul Roco ang mga guro upang ireklamo ang umano’y kalupitan at masamang pananalita sa kanila ni Gervacio.
"Sana masunog ang Tala High School para mawalan ng trabaho ang mga teachers tutal sasahod naman ako." "Sana maaksidente ang mga bata para madala ang mga gurong nag-uutos sa bata" at "Mamatay na sana ang mga teachers na nagsisinungaling at ang lahat ng mga mahal niya sa buhay," ito umano ang mga masasamang tinuran ni Gervacio.
Bukod pa dito, pilit umano silang isinasailalim sa polygraph examination at hypnotism test ng naturang principal.
Patuloy din umanong kinokondena ni Gervacio ang "bulok" na sistema ng Tala High School at buong educational system sa bansa. (Ulat ni Gemma Amargo)