Grenade explosion: 1 patay, 2 grabe

Dahil lamang sa selos, isa ang patay, samantalang dalawa pa ang nasa kritikal na kondisyon makaraang mag-away ang mag-live-in-partner at magpasabog ng granada, kamakalawa ng hapon sa Novaliches, Caloocan City.

Si Michael Subijano, 21, ay nagkalasug-lasog ang katawan matapos na sumabog ang hawak nitong granada. Kasalukuyan pa ring ginagamot sa FEU Hospital ang kanyang ka-live-in na si Glenda, 25 at kapatid nitong si Norie Gulane, na nagtamo ng malalalim na sugat sa katawan.

Base sa isinagawang imbestigasyon, dakong alas-5 ng ng hapon ng maganap ang insidente sa bahay ng mga biktima sa Block 4, Lot 13, Pitong Bahay St., Maligaya Park Subdivision, Novaliches ng nasabing lungsod.

Napag-alaman na bago naganap ang pagpapasabog ng granada ni Michael ay nagkaroon ito nang pakikipagtalo sa kanyang ka-live-in na si Glenda. Nabatid na matinding selos ng una sa huli ang dahilan ng kanilang pag-aaway.

Sa gitna nang pagtatalo ay biglang kinuha ni Michael ang nakatagong granada at saka tinanggal ang pin nito .

Kaagad na sumambulat ang granada habang hawak ito ni Michael, samantalang tinamaan din ng sharpnel si Glenda at kapatid nitong si Norie. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments