Ayon sa source buhat sa PNP, na si Mark ay may minanang malaking halaga sa kanyang ama at posibleng ang pag-aawayan ng mga naiwang kaanak ng dating judge sa mga naiwang ari-arian ay isa sa mga pangunahing motibong tinitingnan ng pulisya.
Samantala, ayon sa pinakahuling intelligence report, hindi pa nakakalabas ng bansa at posibleng magkasama lamang nagtatago malapit sa Metro Manila ang starlet at ang itinuturong utak sa pagdukot at pagpatay sa batang Bacalla.
Malaki ang posibilidad na magkasamang nagtatago sa iisang lugar ang utak sa kaso na si Onofre Surat at ang starlet na nakilala lamang sa pangalang Camille.
Napag-alaman na si Camille ay kasintahan umano ng biktima ngunit empleyado din sa isang pag-aaring beerhouse ni Surat kung kaya na-establisa ang anggulong maaaring nagsabwatan ang mga ito upang mailigpit si Bacalla.
Magugunitang si Bacalla ay dinukot noong nakaraang Mayo 2 sa Quezon City ng isang kidnap-for-ransom gang na pinamumunuan ni Surat at saka pinatay din sa saksak ang biktima ng araw na nabanggit.
Sa kabila nito ay humingi pa ang mga kidnappers ng P500,000 ransom sa pamilya ng biktima.
Samantala, sampung miyembro ng PNP intelligence group ang nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso kaugnay sa pagpaslang sa dalawang sibilyan na kanila lamang napagkamalang suspect sa pagdukot at pagpaslang kay Mark Harris Bacalla.
Bagamat kilala na ang mga pulis ay hindi muna ibinunyag ang mga pangalan nito hanggang hindi pa naisasampa ang kaso.
Ang mga pulis ay sinasabing sangkot sa pagpaslang sa empleyado ng New World Hotel na si Fernando Lozada at Marianne Unson.
Nabatid na niratrat ng mga operatiba ang sasakyang minamaneho ni Lozada na kinalululanan din ni Unson at ang kaibigan nitong si Clarissa Franches, anak ni Lozada makaraang mapagkamalang sila ang hinahabol na suspect na sangkot sa pagkidnap kay Bacalla.
Kaugnay nito, humihingi ng katarungan ang pamilya ng nasawi sa panibagong insidente ng mistaken identity, kasabay nang pagsasabing dapat na malinaw sa mga pulis ang ‘rules of engagement ‘ sa mga operasyon. (Ulat ni Joy Cantos)