Negosyante ninakawan na, pinatay pa

Isang 30-anyos na negosyante ang iniulat na nasawi makaraang barilin sa ulo at pagkatapos ay pagnakawan pa ng may kalahating milyong piso ng hindi nakikilalang mga armadong kalalakihan, kamakalawa ng gabi sa bayan ng Taguig.

Hindi na umabot pang buhay makaraang isugod sa San Juan de Dios Hospital ang biktima na nakilalang si Gilbert Singco, tubong Cotabato City at naninirahan sa Block 36, 4342 Central Bicutan ng nabanggit na bayan.

Samantala, mabilis namang tumakas ang hindi nakikilalang mga suspect makaraan ang isinagawang krimen.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-6:20 kamakalawa ng gabi sa Kristine Ian Drug Store na pag-aari ng biktima na nasa Maharlika Road, Bgy. Upper Bicutan sa bayang ito.

Nabatid na pinasok ng mga suspect ang naturang drug store at nagpahayag ang mga ito ng holdup.

Matapos makulimbat ang malaking halaga ay nagtangka ng tumakas ang mga suspect subalit binalikan pa ng mga ito ang biktima at saka binaril nang malapitan sa ulo. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments