Sundalo namaril, naglalakad na binata ang nasapol

Isang binata na naglalakad lamang ang minalas na mapatay nang mabaril ng isang sundalo kung saan ang bala ay para sana sa kaaway ng huli, kamakalawa ng gabi sa bayan ng Taguig.

Namatay habang ginagamot sa Rizal Medical Center ang biktimang si Ronnie Favia, 28, walang trabaho, ng Fax st., Palar Village, Fort Bonifacio, na nagtamo ng tama ng bala ng kalibre .45 sa kanang tagiliran ng katawan.

Nakilala naman ang suspek na si T/Sgt. Loreto Simangan, ng Phil. Army, na nakakulong sa Taguig police detention cell matapos maaresto.

Sa imbestigasyon ni PO3 Alain Sigua ng Criminal Investigation Division (CID), nagkaroon ng kaaway ang suspek na hindi nabanggit ang pangalan at nagkataon namang dumaan ang naglalakad na biktima sa nabanggit na lugar.

Pinaputukan ng suspek ang kanyang kaaway pero ang bala ay tumama sa walang kamalay-malay na biktima. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments