Pardon kay Asistio kinuwestyon ni Malonzo

Hiniling kahapon ni Caloocan City Mayor Rey Malonzo sa Department of Justice (DOJ) na repasuhin ang presidential pardon na iginawad kay (ex-convict turned) congressman Luis "Baby" Asistio nang ang huli’y isa pang life termer na bilanggo.

Sa isang liham na ipinadala kay DOJ Secretary Hernando Perez, hiniling ni Malonzo na halungkatin ng Kagawaran at ihayag sa publiko ang mga dokumentong may kinalaman sa pagpapatawad kay Asistio. Binigyang-diin ni Malonzo na mahalagang malaman kung dumaan sa tamang proseso ang pagkakaloob ng presidential pardon sa dating bilanggo.

Matatandaan na si Asistio, lider ng Big Four Gang, isang criminal syndicate, ay nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo kasama ang ilan pang utak at miyembro ng pangkat dahilan sa kasong kidnap-for-ransom.

Ayon sa rekord ng hukuman, kinidnap at ipinatubos sa halagang P20,000 ng sindikato ang negosyanteng Intsik na si Chua Pao alyas So Na noong Disyembre 26, 1962. Ang hatol laban kay Asistio at mga kasama niya ay iginawad ni Judge Lourdes San Diego ng Quezon City Court of First Instance.

Sinabi ni Malonzo na nakakapagduda ang mga pangyayari kaugnay sa pagkakaloob ng presidential pardon kay Asistio. Idinagdag ni Malonzo na hindi umano inirekomenda ng Board of Pardons ang pagbibigay ng amnestiya sa anak ng dating mayor ng lungsod. Mabilis na naproseso ang mga papeles sa pagpapatawad kay Asistio dahil pinakialaman umano ito ng dating Unang Ginang Imelda Marcos. Si Asistio ay pinalaya pagkatapos ng may 12 taong pagkakabilanggo noong panahon ni dating Presidente Marcos. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments